Google
 

Monday, April 14, 2008

EDITORYAL — Maraming palayan ang pinababayaan

Pinagkunan: http://www.philstar.com/
Tuesday, April 15, 2008
KULANG ang bigas at kailangang bumili sa ibang bansa. Kung hindi bibili, kawawa ang ma­raming mahihirap na Pinoy na ilalaban ng patayan ang isang kilong bigas. Unang sinisisi ang pagdami ng mga Pinoy kaya nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas. Ikalawang binubuntunan ng sisi ay ang pagtatayo ng mga housing projects sa dating­ mga palayan. Kinain ng mga land developer ang mga taniman ng palay.
Posibleng ang dalawang nabanggit ay may kontri­­busyon sa nangyayaring kakulangan ng suplay pero ang mas higit na sinisisi ngayon ay dahil sa kapa­bayaan ng gobyerno sa ekta-ektar­yang lupaing sakahan. Isinisisi sa National Irrigation Administra­tion (NIA) kaya may kasalatan sa bigas. Tinatayang nasa 400,000 ektaryang lupain ang hindi napakina­bangan dahil napabayaang walang tubig. Ang NIA ang may responsibilidad sa proyektong irigasyon, pero ayon sa report, maraming lupain ang hindi ma­daluyan ng tubig. At ang resulta sa hindi pagdaloy ng tubig sa mga pitak ng bukirin ay ang pagkatuyo ng mga tanim na palay. At ano ang kahihinatnan ng mga pitak na natuyuan ng tubig? Walang aanihin.
Nawala na ang mga linang na dating nagbibigay nang maraming aning palay. Hindi na sila mapaki­nabangan dahil ang proyektong irigasyon ay hindi na gumagalaw. Walang makitang pagkilos sa pama­halaan para ang agos ng tubig ay muling sumagana sa mga dating palayan.
Ang ganitong problema ay tinalakay din ni datin­g Agriculture Sec. Salvador Escudero nang mag­salita sa isang weekly Kapihan sa Sulo Hotel noong Sa­bado. Marami na aniyang palayan ang nawala dahil sa kapabayaan at ito ang dahilan kaya may nang­ya­yaring krisis sa bigas. Noon daw 1986 ay sa­ganang-sagana ang bansa sa bigas. Maraming naaaning palay sapagkat hindi napapabayaan ang mga irrigated land. Nang mag-audit daw sila noong 1996, natuklasan na sa 1.2 milyong ektaryang pa­la­yan, 800,000 ektarya na lamang ang napapaki­na­bangan. Wala raw ibang dapat sisihin dito kundi ang kapabayaan at mismanagement ng irrigation projects. Dahil sa kapabayaan, nawala ang mga lupaing sakahan na dati’y umaani nang sobra-sobra.
Latiguhin ang NIA sa nangyayaring ito. Sila ang dapat managot sa krisis na nangyayari.

Sunday, April 13, 2008

EDITORYAL – Pardon ang pabuya sa nagkudeta?

Monday, April 14, 2008
KAPAG nagkatotoo ang bali-balitang ipapardon ng MalacaƱang ang siyam na Army officers na nahatulan noong nakaraang linggo dahil sa kudeta, masama ang magiging impli­kasyon nito. Maaaring magbigay ng lakas ng loob sa iba pang sundalo na gumawa rin ng pag-aaklas at kung mabigo ay maaari naman palang i-pardon — basta humingi lang ng sorry. Okey ba ang pabuyang pardon makaraang magsabog ng kaguluhan?
Siyam na Army officers ang hinatulan dahil sa bigong kudeta noong July 2003. Dalawa sa kanila ang nahatulan ng reclusion perpetua o 40-taong pagkabilanggo samantalang ang pitong iba pa ay 6 hanggang 12-taong pagkabi­langgo ang hatol. Ang hatol ay iginawad ni Judge Oscat Pimentel ng Makati Regional Trial Court (MRTC). Isang araw na kinubkob ng grupong Mag­dalo na pinamu­nu­an ni Navy Lt. Antonio Trillanes, Capt. Gerardo Gam­bala at Capt. Melo Maestrecampo ang Oakwood Hotel sa Makati City. Si Trillanes na nahalal na sena­dor ay kasa­lukuyang nasa detention at patuloy ang trial.
Malakas ang alimuom ng bulung-bulungan na ang mga nahatulang Magdalo officers ay ipa­pardon ng MalacaƱang. Mayroon daw deal ang gobyerno at ang mga nahatulan. Mariin naman itong itinanggi ni AFP chief of Staff Hermogenes Esperon. Wala raw deal. Pero nagpahiwatig si Esperon na posible ang pardon sa mga nahatu-lang Army officers.
Sa sinabi ni Esperon, para na rin niyang sinabi na maaari ngang magkatotoo ang mga lumabas na balita. Para bang ikinokondisyon na ang isip nang marami na totoo nga ang balita.
Maaaring magbigay ng masamang implikasyon kung magkakaroon ng katotohanan ang bali-bali­tang pardon. Magbibigay nang ideya sa iba pang sundalo. Maaari palang ipardon kahit na magku­deta. Maaari naman palang makalaya kahit na gu­mawa ng masama.
Ang mga nangyaring kudeta sa bansa na inum­pisahan ni Sen. Gringo Honasan ay nagdulot ng pagbagsak ng ekonomiya at natakot ang mga investors. Matagal bago nakabawi ang eko­nomiya. Dapat pag-isipan kung tama bang pabuya ang pardon sa mga mang-aagaw ng ka­pangya­rihan. Para sa amin hindi ito tama lalo pa’t sa napakaikling panahon.

Wednesday, April 2, 2008

EDITORYAL — Mahal ang bigas at gamot

Pinagkukunan: http://www.philstar.com/

MATINDING isyu ngayon ang kakulangan ng bigas. Kahit na sinasabi ng gobyerno na sapat ang bigas, hindi pa rin ito makapapalubag sa isi­ pan ng mga Pinoy. Sabihin mang may bigas, ang kama­halan ng presyo nito ang nakapagbibigay pangam­ba. Paano kung umabot sa P50 isang kilo ng bigas? Tiyak maraming magugutom.
Ang resulta nang pag-iisip sa mahal na bigas ay magdudulot ng sakit at lalo nang problema sapagkat mahal din naman ang gamot. Mabuti sana kung gumagalaw na ang Cheaper Medicine Bill. Nasaan na nga ang CMB? Natabunan ng im­bestigasyon sa katiwalian? Baka nga.
May dalawang bersiyon ang Cheaper Medi- cine Bill — isa sa House of Representatives at ang isa ay sa Senado. Noong nakaraang taon pa ito naapru­­bahan at maski si President Arroyo ay nag­ pakita ng katuwaan dahil sa pagkakaapruba. Matagal ding nabim­bin ang batas na ito dahil na rin umano sa pag-urung-sulong ng mga miyembro ng House of Repre­sentaives sa pamumuno ni dating Speaker Jose de Venecia. Isinisi kay De Venecia ang mabagal na pag-apruba sa bill.
Walang ibang kawawa sa nangyayaring ito kundi ang mga naghihikahos na hindi makabili ng gamot dahil ubod nang mahal. Halimbawa ay ang gamot sa high blood na nagkakahalaga ng P70 isang piraso at ang gamot sa diabetes na halos ganito rin ang presyo.
Kung maipatutupad na ang Cheaper Medicine Bill, ang mga gamot na dating may mataas na presyo ay mabibili sa murang halaga. Kagaya ng gamot para sakit sa baga na nagkakahalaga ng P26 isang piraso ay mabibili na lamang sa halagang P12. Halos kala­hati o mas mahigit pa sa kalahati ang magiging presyo ng gamot kapag ipinatupad na ito. Hindi na gaanong mahihira- pan ang mga naghihikahos na makabili ng gamot dahil mura na.
Ang tanong ay kung kailan madadama ng mga naghihikahos ang murang gamot. Kailan nga ba? Nasaan na ang batas at wala nang balita ukol dito?
Mahal ang bigas at gamot. Saan na nga patu-ngo ang lahat ng ito? Paano nga ba mabuhay sa bansang ito? Page: 1 -->