Google
 

Sunday, April 13, 2008

EDITORYAL – Pardon ang pabuya sa nagkudeta?

Monday, April 14, 2008
KAPAG nagkatotoo ang bali-balitang ipapardon ng Malacañang ang siyam na Army officers na nahatulan noong nakaraang linggo dahil sa kudeta, masama ang magiging impli­kasyon nito. Maaaring magbigay ng lakas ng loob sa iba pang sundalo na gumawa rin ng pag-aaklas at kung mabigo ay maaari naman palang i-pardon — basta humingi lang ng sorry. Okey ba ang pabuyang pardon makaraang magsabog ng kaguluhan?
Siyam na Army officers ang hinatulan dahil sa bigong kudeta noong July 2003. Dalawa sa kanila ang nahatulan ng reclusion perpetua o 40-taong pagkabilanggo samantalang ang pitong iba pa ay 6 hanggang 12-taong pagkabi­langgo ang hatol. Ang hatol ay iginawad ni Judge Oscat Pimentel ng Makati Regional Trial Court (MRTC). Isang araw na kinubkob ng grupong Mag­dalo na pinamu­nu­an ni Navy Lt. Antonio Trillanes, Capt. Gerardo Gam­bala at Capt. Melo Maestrecampo ang Oakwood Hotel sa Makati City. Si Trillanes na nahalal na sena­dor ay kasa­lukuyang nasa detention at patuloy ang trial.
Malakas ang alimuom ng bulung-bulungan na ang mga nahatulang Magdalo officers ay ipa­pardon ng Malacañang. Mayroon daw deal ang gobyerno at ang mga nahatulan. Mariin naman itong itinanggi ni AFP chief of Staff Hermogenes Esperon. Wala raw deal. Pero nagpahiwatig si Esperon na posible ang pardon sa mga nahatu-lang Army officers.
Sa sinabi ni Esperon, para na rin niyang sinabi na maaari ngang magkatotoo ang mga lumabas na balita. Para bang ikinokondisyon na ang isip nang marami na totoo nga ang balita.
Maaaring magbigay ng masamang implikasyon kung magkakaroon ng katotohanan ang bali-bali­tang pardon. Magbibigay nang ideya sa iba pang sundalo. Maaari palang ipardon kahit na magku­deta. Maaari naman palang makalaya kahit na gu­mawa ng masama.
Ang mga nangyaring kudeta sa bansa na inum­pisahan ni Sen. Gringo Honasan ay nagdulot ng pagbagsak ng ekonomiya at natakot ang mga investors. Matagal bago nakabawi ang eko­nomiya. Dapat pag-isipan kung tama bang pabuya ang pardon sa mga mang-aagaw ng ka­pangya­rihan. Para sa amin hindi ito tama lalo pa’t sa napakaikling panahon.

No comments: