Google
 

Monday, April 14, 2008

EDITORYAL — Maraming palayan ang pinababayaan

Pinagkunan: http://www.philstar.com/
Tuesday, April 15, 2008
KULANG ang bigas at kailangang bumili sa ibang bansa. Kung hindi bibili, kawawa ang ma­raming mahihirap na Pinoy na ilalaban ng patayan ang isang kilong bigas. Unang sinisisi ang pagdami ng mga Pinoy kaya nagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng bigas. Ikalawang binubuntunan ng sisi ay ang pagtatayo ng mga housing projects sa dating­ mga palayan. Kinain ng mga land developer ang mga taniman ng palay.
Posibleng ang dalawang nabanggit ay may kontri­­busyon sa nangyayaring kakulangan ng suplay pero ang mas higit na sinisisi ngayon ay dahil sa kapa­bayaan ng gobyerno sa ekta-ektar­yang lupaing sakahan. Isinisisi sa National Irrigation Administra­tion (NIA) kaya may kasalatan sa bigas. Tinatayang nasa 400,000 ektaryang lupain ang hindi napakina­bangan dahil napabayaang walang tubig. Ang NIA ang may responsibilidad sa proyektong irigasyon, pero ayon sa report, maraming lupain ang hindi ma­daluyan ng tubig. At ang resulta sa hindi pagdaloy ng tubig sa mga pitak ng bukirin ay ang pagkatuyo ng mga tanim na palay. At ano ang kahihinatnan ng mga pitak na natuyuan ng tubig? Walang aanihin.
Nawala na ang mga linang na dating nagbibigay nang maraming aning palay. Hindi na sila mapaki­nabangan dahil ang proyektong irigasyon ay hindi na gumagalaw. Walang makitang pagkilos sa pama­halaan para ang agos ng tubig ay muling sumagana sa mga dating palayan.
Ang ganitong problema ay tinalakay din ni datin­g Agriculture Sec. Salvador Escudero nang mag­salita sa isang weekly Kapihan sa Sulo Hotel noong Sa­bado. Marami na aniyang palayan ang nawala dahil sa kapabayaan at ito ang dahilan kaya may nang­ya­yaring krisis sa bigas. Noon daw 1986 ay sa­ganang-sagana ang bansa sa bigas. Maraming naaaning palay sapagkat hindi napapabayaan ang mga irrigated land. Nang mag-audit daw sila noong 1996, natuklasan na sa 1.2 milyong ektaryang pa­la­yan, 800,000 ektarya na lamang ang napapaki­na­bangan. Wala raw ibang dapat sisihin dito kundi ang kapabayaan at mismanagement ng irrigation projects. Dahil sa kapabayaan, nawala ang mga lupaing sakahan na dati’y umaani nang sobra-sobra.
Latiguhin ang NIA sa nangyayaring ito. Sila ang dapat managot sa krisis na nangyayari.

No comments: