Google
 

Monday, March 24, 2008

EDITORYAL — Agrikultural na bansa ang ’Pinas pero kulang sa bigas

NOONG dekada 60 hanggang 70 ang Pilipinas ang nagluluwas ng bigas sa ibang bansa. Nagtusak sa bigas ang Pilipinas at hindi nakasilip ang grabeng taggutom. Bukod sa maraming bigas, sagana rin sa iba pang pagkain na maaaring ipang­halili sakali man at kulangin.
Dapat lamang na maging marami ang produk­siyon ng bigas sapagkat ang Pilipinas ay agri­kultural na bansa. Narito rin sa Pilipinas ang International Rice Research Institute (IRRI) kung saan dito tumu­tuklas ng mga bagong binhi ng palay. Dahil sa pagi­ging sikat ng IRRI, maraming bansa sa Asia ang nagpa­padala ng kanilang mga representative rito para pag-aralan ang mga tuklas ng binhi. Karaniwang mga Thai, Vietnamese, Indo­nesian at iba pang Asyano ang nagtutungo sa bansa para mag-aral sa tamang produksiyon ng palay. At hindi lamang produksiyon ng palay ang kanilang natu­tuhan kundi pati na rin produksiyon ng mga prutas. Dito nagsi­pag-aral ang mga kapit­bahay na Asians partikular ang Thais.
At sino ang mag-aakala na ang mga kapitbahay na Asian ang aangkatan ng bigas ng Pilipinas. Totoo. Umiimport ang Pilipinas ng bigas sa Thailand at Vietnam. At sa maniwala at sa hindi, 1.6 milyong tone­lada ng bigas ang binibili ng Pilipinas sa Thailand at mga kapitbahay na bansa. Kung noong dekada 60 ay Pilipinas ang nag-iisang nag-eexport ng bigas sa mga bansa sa Asia, ngayo’y hindi na. Sa pana­ginip na lamang marahil maiba­balik ang pamama­yagpag ng Pilipinas kung ang tungkol sa bigas ang pag-uusapan.
Panawagan ng Department of Agriculture na magtipid sa bigas ang mamamayan. Bilyong piso umano ang nasasayang dahil sa natatapong kanin. Kaya balak ng DA na imungkahi sa mga res­ taurant na mag-serve ng kalahating cup ng kanin para hindi masayang. Kadalasang hindi nauubos ang isang cup.
Walang masama sa panawagan ng DA na mag­tipid pero dapat din namang kumilos sila na pa­unlarin ang produksiyon ng palay sa bansa. Hika­yatin ang mamamayan na magtanim ng palay at bilhin sa mataas na presyo. Wasakin ang cor­ruption sa nababalitang anomalya sa NFA ukol sa pagbe­benta ng bigas.

No comments: