Google
 

Tuesday, March 25, 2008

Editoryal - Kaliwa’t kanan ang patayan

Source:http://www.philstar.com/
K ATATAPOS lamang ng Mahal na Araw kung saan nagtika ang mga may kasalanan. Marami ang nagsakripisyo at ang iba ay nagpapako pa sa krus. Pero isang araw makalipas ang Pasko ng Pagka­buhay, mayroon na agad pumatay ng kapwa.
Katanghaliang tapat nang pagbabarilin noong Lunes habang papatawid ng kalye ang legal department director ng Commission on Electons (Comelec). Tinamaan sa balikat si Atty. Wyne Asdala, 55, at iyon ang dahilan ng kanyang ka­matayan. Namatay siya habang inooperahan sa Manila Doctors Hospital. Galing sa isang restaurant si Asdala, kasama ang isang babae, nang lapitan ng dalawang kalalakihang nakamotorsiklo, isa ay nakabonet at ang isa ay nakahelmet at saka pinagbabaril ang biktima. Hindi naman dinamay ang kasamang babae. Naganap ang krimen sa gitna ng sikat ng araw at sa harap nang maraming taong naglalakad. Ang pinagbarilan ay malapit lamang sa Manila Cathedral. Hindi na iginalang ang bahay ng Diyos.
Si Asdala ang ikalawang opisyal ng Comelec na pinaslang. Ang una ay si Aleoden Dalaig na binaril sa Ermita, Manila habang pabalik sa casino noong Nov. 10. 2007. Hanggang ngayon, limang buwan na ang nakalilipas, ang pagpatay kay Dalaig ay hindi pa nalulutas at nananatiling misteryo.
Mahihirapan na naman ang pulisya sa paglutas sa krimen at maaaring ang kaso ni Asdala ay ma-ging katulad din ng kaso ni Dalaig. Matatambak na lamang sa sulok at maghihintay nang matagal.
Ang lantarang pagpatay sa Comelec official ay nagpapakita lamang ng kahinaan ng mga pulis sa pagsaklolo sa mga kawawang mamamayan. Mas­yado nang matatapang ang mga mamamatay-tao at wala nang pinipiling lugar. Basta’t ang nais nila ay maisakatuparan ang kanilang misyon.
Kung hindi sana ningas-kugon ang kampanya ng pulisya sa pagpapatrulya sa mga matataong lugar, maaaring nadakip ang dalawang lalaking nakamo­torsiklo . Nagpakita na naman ng kulay ang pulisya kaya nalusutan. Kailan magkakaroon ng katuparan ang “motto” ng PNP na “we serve and protect”.

No comments: