Google
 

Friday, March 14, 2008

Opinyon: Kayang pag-isahin ni Manny Pacquiao ang mamamayan

Source: Pilipino Star
ni Korina Sanchez Friday, March 14, 2008
KUNG hindi magawa ng mga kilos-protesta na pag-isahin ang mamamayan sa isang pananaw at layunin – mukhang magagawa ng laban ni Manny Pacquiao. Tulad ng nakaraan niyang mga laban kung saan walang pulitikang pinag-uusa­pan, wala halos krimen na naganap sa lansangan at nagkakaisa ang mamamayan sa pagda­rasal at pagpalakpak sa isang kinikilalang bayani. Bilang boksingero ha at hindi bilang isang pulitiko.
Haharapin muli ni Manny si Juan Manuel Mar­ quez sa Linggo. Ang unang laban nila ay tabla ang desisyon, kahit tatlong beses pinabagsak ni Manny ang aroganteng Mexicano. Kayo na ang humusga kung nadaya tayo bilang isang bansa. Pero hindi na rin naman bago yon hindi ba? Para sa dalawang premyadong boksingero, may kani-kanya silang kailangang patunayan. At isa lang ang puwedeng maging kampeon. Siguradong pareho nilang ibibigay ang kanilang todong lakas at galing, para makamit ang titulong ito. Siguradong hindi mauuwi sa tablahan ang laban na ito.
At sigurado rin na sa Linggo, lahat ng Pilipino ay mapa­pako na naman sa kani-kanilang kinauupuan. Siyempre ang mga may kaya, nasa Las Vegas para manood ng live. Lahat ng problema isasantabi muna. Pati problema sa gobyerno. Mga imbestigasyon ng Senado sa lahat nang anomalya ng administrasyon. Ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis, na patuloy na nagpapahirap sa ating bayan kahit tila “maganda” ang ekonomiya. Lahat iyan malilimutan. Talo pa nga siguro ng mga laban ni Manny ang Pasko sa pagpapalimot ng problema, kahit sandali!
Pero sino na naman kaya ang papapel na pulitiko sa entablado pagkatapos ng boksing? Sino kayang mayaman na pulitiko ang pi-picture sa ring kung sakaling pagpalain si Manny at manalo muli? Ito talaga ang nakasisira sa okas­yong ito, kapag pinasukan na rin ng pulitiko! Tulad na rin ng pagpasok ni Manny sa pulitika ay napa­kaasim — nauwi lang sa pagkatalo at pagkabigo ng pambansang kamao. Mabuti na lang at mahusay na atleta at kinatawan ng Pilipinong boksingero si Manny. Hindi na niya kailangan pasukan ang maruming mundo ng pulitiko. Sa boksing, harap-harapan ang labanan. Sa pulitika, trayduran! Ang dating magkakampi nagsasak­sakan sa likod kapag may oportunidad uma- senso at sumipsip sa malalakas na tao. Pero mati­gas ang ulo ni Manny tungkol dito. Gusto niya talagang magpulitiko. Nag-aaral nga siya ngayon para magka-diploma at wala na raw masasabi sa kanya pag sumubok siya ulit sa 2010. Ito talaga ang plano niya. Ayun na nga — dahil hindi sanay sa patalikod na saksakan ay napikon at nasaktan nang husto si Manny sa itinakbo ng kanyang kampanya at naging pagkatalo. Pero huwag na munang isipin ang ikasisira na naman ni Manny sa 2010. Dito muna tayo tumingin sa kanyang tunay na pakay sa mundo….ang itaguyod ang Pilipinas sa mundo sa pamamagitan ng boksing.
Kaya sama-sama tayo sa pagsuporta kay Manny sa kanyang muling paglaban sa Linggo! Go Manny!Page: 1 -->

1 comment:

mz.fabolosa said...

well dats true..